Aling Charisma: Pagbangon mula sa Bagyong Sendong

Posted at 08/14/2012 11:09 AM | Updated as of 08/14/2012 11:09 AM

Pitong buwan na ang nakalilipas nang manalasa ang Bagyong Sendong sa ating bansa. Maraming bahay ang nasira. Maraming kabuhayan ang nawala. At maraming pangarap ang gumuho sa isang iglap.

Charisma Debaculos (Photo by Jaymen Amihan)

Isa ang pamilya ni Charisma Debalucos sa mga lubos na na-apektuhan ng naturang bagyo sa Barangay Hinaplanon, Iligan City. Maayos ang pamumuhay nila bago dumating ang delubyo. Ngunit isang hindi inaasahang gabi, bigla na lang nanalasa ang Sendong. Nasira ang dati nilang tinitirhan at namatay ang tatlo sa kanyang anak.

Lubos ang pangungulila ni Charisma sa tatlong anak. Pero sa kabila ng matinding unos na dinanas, tuloy pa rin ang buhay. Unti-unting sinimulan ni Aling Charisma ang pagbangon para sa dalawa pang anak. At lalo pang nabuhayan ng pag-asa ang 36 na taong gulang na nanay dahil sa sanggol na dinadala niya sa kanyang sinapupunan.

Likas na sa mga Pinoy ang magtulungan sa oras ng pangangailangan. Maraming Pilipino ang nagpahatid ng tulong sa mga biktima ng Bagyong Sendong mula sa loob at labas ng bansa. Isa si Louella Cabalona sa mga nagbigay ng tulong sa mga kababayang biktima ng Sendong.

Performer at alagad ng musika si Louella sa Chicago, Illinois. Naisipan ni Lou at ng mga kasamahan niya na bumuo ng fund raising project na pinamagatang "Sendong All Our Love Concert". Hindi nila inasahang makalilikom sila ng humigit-kumulang $5,000 sa nasabing concert. Matapos nito, agad nakipag-ugnayan si Louella sa La Salle Academy sa Iligan, kung saan siya nag-aral dati. May proyekto noon ang naturang eskwelahan para sa mga nasalanta ng bagyo.

Mga naipatayong bahay sa tulong ni Louella Cabalona (Photo by Jaymen Amihan)

Dalawang bahay ang naipatayo mula sa perang nalikom nina Lou at ng mga kasamahan niya. At noong nakaraang buwan lang, binendisyuhan at ibinigay ang mga bahay sa mga nawalan ng tirahan dahil sa Sendong. Pamilya ni Charisma ang isa sa mga nakatanggap ng bahay mula sa donasyon ng grupo nina Lou.

Kamakailan lang, isa si Lou sa 10 Pilipinong nagawaran ng Fil-Am Youth Leadership Program award sa Estados Unidos dahil sa patuloy na pagtulong at pagtataguyod ng mga programa sa mga kapwa Pinoy, nasa Amerika o Pilipinas man.

Saang dako man ng mundo nakatira, nagtutulungan ang mga Pilipino, lalo na sa oras ng pangangailangan. Tulad na lang ni Louella, na tumulong sa mga kababayan niya kahit na nasa Amerika siya. Kahit para kay Louella ay maliit lang ang naitulong niya, isang panibagong umaga naman ang naihatid nila sa pamilya nina Aling Charisma.

Airing Date: August 1, 2012