Krusada: PhilHealth

Posted at 08/16/2012 12:42 PM

Kadalasan, sa panahon ng pagkakasakit lang naiisip ang kahalagahan ng kalusugan. Madalas tuloy ay hindi ito napaghahandaan. Pagdating ng gamutan, wala tayong bulsa na mahugutan ng pera.

Ito ang naging sitwasyon ni Henry Hilab, 52 taong gulang. Kamakailan lang, isinugod siya sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) dahil hindi siya makahinga. Epekto raw ito ng pagkasira ng kanyang dalawang kidney o bato, na komplikasyon naman ng kanyang diabetes.

Dahil sa walang maipanggastos, pinabayaan lang ni Henry ang sakit kahit na natuklasan ito 16 na taon nang nakalipas. Bukod kasi sa walang maipong salapi, wala rin siyang masandalang health insurance. Lumala tuloy ang kanyang karamdaman.

Sinasalamin ni Henry ang kuwento ng mas nakararaming ordinaryong mamamayan sa ating lipunan.

Kahit pa raw sabihing sariling kalusugan nila ang pinaguusapan, sa estado raw ng kanilang buhay na isang kahig, isang tuka, paano naman nila ito maaalagaan?

Susunod sa Krusada, ulat ni Bernadette Sembrano: bubusisiin ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), isang government corporation na ang dapat na layunin ay masiguro na pagdating sa pangkalusugang serbisyo, merong matatakbuhan ang mamamayang Pilipino.

“Napakahirap ang ma-opsital lalo na kung mahirap ka. Isipin niyo, may sakit ka na nga, problema mo pa kung saan ka kukuha ng pambili ng gamot at pambayad sa ospital,” diin ni Bernadette.

Sa ngayon, nilalagnat diumano ng kontrobersiya ang PhilHealth sa init ng mga batikos na tinatanggap nito mula sa iba’t ibang sektor. Bukod sa maraming Pilipino ang wala pa ring PhilHealth, baon rin nga ba sa utang ang ahensya?

Bakit kailangan pang dagdagan ang kontribusyon ng mga naghihirap nating kababayan? Gaano na ka kritikal ang kalagayan ng health insurance sa Pilipinas?

Higit sa lahat, totoo bang tatanggalin na ng Philhealth ang mga charity wards sa mga ospital na magsasagip sana sa buhay lalo na ng mga mahihirap?

Sasagutin ang lahat ng mga katanungang iyan sa ika-16 ng Agosto, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa Agosto 18 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibahagi ng inyong mga opinion sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV. Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episodes ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website.

Air date: August 16, 2012