Krusada: Bandido

Posted at 08/21/2012 5:12 PM | Updated as of 08/28/2012 2:45 PM

Sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III noong nakaraang buwan, ipinagmalaki niya na bumaba ang bilang ng mga naitalang krimen sa bansa.

Pero ang tinukoy na datos sa kanyang talumpati ay para sa taong 2011 at hindi para sa 2012. Dahil dito, umani ng matinding pagkontra at batikos ang pagmamalaki ng Pangulo sa kanyang SONA. Katwiran ng kanyang tagapagsalita na si Abigail Valte, hindi pa kumpleto ang datos para sa kasalukuyang taon.

Sa kabila nito, aminado pa rin ang mga tauhan ng Pangulo na sa halip na mabawasan, lalo pang tumaas ang insidente ng krimen sa kalakhang Maynila.

Noong nakaraang buwan lang, magugunitang binaril at malubhang nasugatan si Nixon Cua, dating reporter at dating Philippine Tourism Authority chief, nang sumugod sa loob ng bahay ng kaniyang kapatid ang ilang armadong lalaki.

Sa araw mismo ng SONA ni Pangulong Aquino, pumanaw sa ospital si Cua.

Sa dalas at dami ng krimen, mapa-siyudad man o probinsiya, laging nangangamba ang karaniwang mamamayan para sa kanilang kaligtasan. Mismong ang kapwa reporter nga ni Tony Velasquez na si Jay Ruiz ay naging biktima rin ng krimen sa taong ito.

Kahit mga simbahan na nilalapitan para sa kapayapaan, hindi na rin sinasanto. Napupuno ang blotter sa mga presinto dahil sa kawalang takot sa batas ng mga naglipanang bandido.

Susunod sa Krusada: susuriin ni Tony Velasquez ang napakalaking problema ng krimen sa bansa at aalamin kung anu-anong paraan ang maaaring asahan upang kontrahin ito.

"Habang dumarami pa ang mga insidente ng krimen sa bansa, tila lumalala rin ang mga uri nito. Tumatapang ang mga kriminal sa pagnanakaw at kung minsan pa ay pati sa pagpatay. Sa ilang kaso, napakabata pa ng mga salarin," pahayag ni Tony.

"Senyales na ba ito ng nabubulok na moralidad ng ating lipunan? May magagawa pa ba ang mga disenteng mamamayan para protektahan ang kanilang sarili?"

Sasagutin ang lahat ng mga katanungang iyan sa ika-23 ng Agosto, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa Agosto 25 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibabahagi ang inyong mga opinyon sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV.

Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episode ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

Air date: August 23, 2012