Sardinas nagmahal; petrolyo, magmumura


Bawal pa ring manghuli ng isdang tamban sa Zamboanga kaya pahirapan ang suplay ng tamban na ginagawang sardinas.

Ang resulta, tumaas na naman ang presyo ng ilang kilalang brand ng sardinas.

Sa datos ng Department of Trade and Industry, P0.70 hanggang piso ang dagdag-presyo sa kada lata.

Sa tantiya ng mga sardine manufacturer, sa Marso pa babalik sa normal ang suplay ng isda kapag natanggal na ang fishing ban na may layong paramihin muna ang mga tamban.

Samantala, may napipinto namang good news sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.

“There’s a good chance that prices may come down or stay where they are but the prices are not going up,” sabi ni Energy Secretary Jose Rene Almendras.

“For the gasoline it may not be that substantial. Sa diesel substantial naman ang nakita nating movement so again it may be fair to expect that there will be a rollback next week,” sabi naman ng SEAOIL spokesman Art Cruz.

Kapag nagkataon, ito na ang ikalawang sunod na rolbak matapos ang P0.80 na bawas-presyo sa diesel at P0.20 sa gasolina ngayong linggo.

Ayon sa mga sources sa industriya, posibleng maglaro sa P0.80 hanggang P0.90 ang rolbak sa diesel sa susunod na linggo, P0.15 hanggang P0.20 naman sa gasolina.

Malaki ang naiambag sa napipintong rolbak ng paglakas ng piso laban sa dolyar.

Halos lahat kasi ng suplay na petrolyo sa bansa, imported.

“Ang ginagamit natin sa pag-angkat, dolyar. So kapag lumalakas ang peso natin, gumaganda din ang pagkakataon na magkaroon tayo ng improvement for next week,” dagdag ni Cruz.

Pero kahit magkasunod ang rolbak, mas malaki pa rin ang itinaas nitong mga nakaraang linggo, P2.70 sa diesel at P3.20 naman sa gasolina. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino

01/27/2012 9:41 PMBookmark and Share