Ikalawang TV Patrol marker, pinasinayaan sa Marikina

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Makapigil-hininga ang mga tagpong nakunan ng mga reporter at cameraman ng ABS-CBN noong Sept. 26, 2009 sa Marikina City.

Winasak ng bagyong Ondoy ang mga bahay at ari-arian ng mga taga-Marikina.

Makalipas ang halos tatlong taon, nakabangon na sa trahedya ang mga tao rito.

“Kinakalimutan na nga lang namin at sana huwag na lang maulit,” sabi ng isang residente.

Ito ang dahilan kung bakit dito itinayo at pinasinayaan ang ikalawang TV Patrol marker bilang bahagi ng 25 mahahalagang balita sa bansa sa loob ng 25 taon ng TV Patrol.

Pinangunahan ito mismo ni ABS-CBN chairman at CEO Eugenio Lopez III.

“Para sa amin sa ABS-CBN, ang tibay ng Pilipino ay lagi naming inspirasyon sa paglilingkod,” sabi ni Lopez.

Nakibahagi rin ang TV Patrol anchors na sina Korina Sanchez, Ted Failon at Kabayang Noli de Castro.

Kasama rin ang head ng News and Current Affairs na si Ging Reyes, Tina Monzon Palma na program manager ng Sagip Kapamilya, mga reporter, Bayan Patrollers at staff ng TV Patrol.

“Ito pong marker na ito sa Marikina ay palatandaan po ng bagsik ng kalikasan na kapag hindi natin inalagaan ang ating kapaligiran at kalikasan, muli po itong hahataw sa atin,” sabi ni Failon.

“Everytime na umuulan, everytime na may bagyo at everytime sinasabi ng PAGASA na may malakas na pag-ulan ay nakahanda na ho kayo,” sabi ni de Castro.

Nakiisa rin ang mga opisyal ng Marikina City sa pangunguna ni Mayor Del de Guzman at mga mamamayan ng Marikina.

At sa panahon ng pangangailangan, umalalay din ang ABS-CBN at naging tulay para iabot ang inyong mga tulong sa mga naging biktima.

“Sa dami po ng mga pangangailangan na nakita natin sa mga kuwentong ipinalabas ng TV Patrol, nakita po natin ang kabutihang loob ng mga Pilipino,” sabi ni Palma.

“Kami ay nangangako sa inyo sa TV Patrol na patuloy kaming magbabantay, patuloy kaming magbabalita sa inyo at patuloy kaming maglilingkod,” sabi ni Reyes.

Matatagpuan sa marker ang QR code na puwedeng i-scan sa inyong mobile phone para makita ang video ng Ondoy coverage.

Sa ngayon, nais na lamang alalahanin ng mga naging biktima ng Ondoy na sa panahon ng trahedya ay lumutang naman ang bayanihan ng bawat Pilipino. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino

03/28/2012 10:56 PM