MTRCB iimbestigahan ang Tulfo brothers dahil sa banta


Bumalik na agad sa trabaho ang broadcaster na si Mon Tulfo kahit may black eye.

Kagabi lang daw ay kinausap niya isa-isa ang kanyang mga kapatid matapos nilang pagbantaan ang mag-asawang Claudine Barretto at Raymart Santiago.

"Ang sabi ko ang luma na ng batas na an eye for an eye, a tooth for a tooth. Bakit hindi na lang ang batas ni Jesus of Nazareth na kapag tinamaan ka sa kanan, ibigay mo ang kaliwang pisngi mo,” sabi ni Tulfo.

Kaninang umaga, sabay na nakapanayam ng “Umagang Kay Ganda” sina Tulfo at mag-asawang Santiago.

Nanindigan ang parehong kampo na kailangan magkaroon ng hustisya.

“Kailangan na matuto sila. Kailangan ipagpatuloy ko ang demanda ko sa kanila para hindi nila gawin sa ibang tao ang ginawa nila sa akin,” sabi ni Tulfo.

Dagdag ni Tulfo, mula nang mangyari ang sapakan ay ilang reklamo na ang kanyang natatanggap tungkol sa iba pang mga airline crew na minaltrato diumano ni Barretto.

Nanawagan din siyang magsalita na ang crew ng Cebu Pacific na sinigawan diumano ng aktres.

“Para turuan sila ng leksyon. Noong na-late siya ng pag-check in, binastos niya ang counter clerk ng Philippine Airlines. May isa pang pagkakataon na ganoon din. Pangatlo na iyan or pang-apat,” sabi ni Tulfo.

Sa ngayon balak ng mag-asawang Santiago na isailalim sa psychological test ang kanilang anak at humingi ng tulong sa grupong Gabriela para kasuhan ng child abuse si Tulfo.

Pero ayon kay Tulfo, hindi siya ang dapat sisihin sa trauma ng bata.

“Sila nga ang dapat sampahan ng child abuse dahil pinakita nila sa mga bata ang hindi magandang halimbawa,” sabi ni Tulfo.

Kanina, humingi ng paumanhin sina Erwin, Ben at Raffy Tulfo sa kanilang mga tagapakinig at sa mga natakot sa kanilang matalas na pananalita laban kay Santiago.

Sagot naman ni Raymart, pag-iisipan nila kung tatanggapin ito.

Ayon naman sa Movie and Television Review and Classification Board, lumabag ang programa sa telebisyon ng mga Tulfo sa batas na nagbabawal ng pag-ere ng mga hindi magagandang salita.

Sa opisyal na pahayag ng TV5 network, sinabi nitong hindi diumano scripted at bugso lang ng damdamin ng magkakapatid ang kanilang mga nasabi on air.

Pero hindi nito sinasalamin ang anumang patakaran ng network, pamunuan nito at maging mga empleyado.

Tiniyak ng TV5 News na hindi nito kinukunsiti ang mga katulad na asal at inaaksyunan na ang diumano'y lapse of judgement sa panig Tulfo brothers. Niko Baua, Patrol ng Pilipino

05/08/2012 11:00 PM