EXCL: Mga OFW sa China natatakot


Ang rally na ito sa harap ng Chinese embassy sa Manila na paulit-ulit na inilabas sa Chinese TV ang lalong nagpagalit sa mga Chinese.

Ito ang pakiramdam ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nakausap ng ABS-CBN sa pamamagitan ng Skype.

Bukod sa takot na hindi na i-renew ang visa, galit na rin daw ang pakitungo sa kanila ng mga Chinese.

“Kapag sumakay kami sa taxi, kasi iba ang face namin and kulay, nagtanong ang driver kung taga-saan kami. Ang sinasagot namin Thai o taga-Malaysia sa takot naming magsabi na Pilipino kami,” sabi ni Joey, OFW sa China.

Ang Pinoy teacher na ito sa China, personal na nakaranas ng harassment.

“Kasama ko ang estudyante ko, sinabihan kami, ‘Umuwi ka na sa inyo, mga traydor at magnanakaw.’ Iyon talaga ang sinabi sa amin,” sabi ni Manny.

Ang iba naman, takot na mapauwi kapag lumala pa ang sitwasyon.

“That means I have to go back there and baka wala akong [mahanap] na trabaho or wala akong trabahong mapupuntahan,” sabi ni Cris.

Halos 200,000 ang OFW sa China pero karamihan ay nasa Hong Kong at Macau.

Pakiusap ng mga OFW sa gobyerno: “Mag-usap na lang sila. Nadadaan naman sa usap iyan eh.”

Pero tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang dapat ikabahala dahil ligtas pa naman ang mga OFW sa China.

Nagsimula sa pagkansela ng biyahe ng mga Chinese tourist sa Pilipinas na nasundan ng pagtanggi sa ating mga ine-export na saging.

Ngayon napagbubuntunan na ng galit ang ating mga OFW, mga palatandaan ng tumitinding epekto ng agawan sa teritoryo. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino

05/16/2012 11:33 PM