Batang may hydrocephalus, sinagip ng DSWD
Sa loob ng compound ng Redemptorist Church sa Baclaran, makikita ang isang lalaking ito na may kalong na anak na malaki ang ulo o may hydrocephalus.
Kinunan ito ng video ng Bayan Patroller na si Marianne dahil sa awa niya raw sa batang may sakit na ‘di umano'y kasama pa sa pamamalimos.
“Naaawa kami kasi kahit umuulan naando'n sila,” sabi ni Marianne.
Agad itong ipinagbigay alam ng Bayan Mo iPatrol Mo sa DSWD ng Parañaque at pinuntahan sa Redemptorist Church ang mag-ama.
Dito napag-alaman namin na 7-taong-gulang na pala si “Karl.”
Pedicab driver ang kanyang ama at walang trabaho ang kanyang ina.
Tuwing Miyerkules daw ay nagsisimba sila dito.
“Hindi ko sinasabing nanghihingi kami. Kung mayroon, OK lang, kung wala, OK lang din,” sabi ng ama ni Karl.
Pero ayon sa DSWD, itinuturing pa rin itong pamamalimos o paglabag sa Anti-Mendicancy Law.
"Mas maganda siguro tugunan mo kung ano ang pangangailangan ng individual,” sabi ni Joan Abad, social welfare officer.
Marami rin ang naantig nang makitang ire-rescue na ang bata.
Isa na ang babaeng ito na umiiyak na lumapit sa amin.
“I went to church right now, siya ang pinagdasal ko. Then you are the answer,” sabi ng isang concerned citizen.
Ngayon, papunta na kami sa DSWD Manila para mai-turn over sila at maisaayos ang kalagayan ni Karl.
Dahil taga-Tondo si Karl, ang DSWD Manila ang hahawak sa kanila.
Sasagutin daw nila ang gamutan ni Karl at iba pang gastusin.
Bibigyan din nila ng pagkakakitaan ang pamilya.
"Salamat at matutulungan ang pamangkin ko, para hindi na maghirap ang mag-ama,” sabi ng tiyahin ni Karl.
Ipina-check up na rin sa doktor si Karl at tuluy-tuloy na ang magiging gamutan sa kanya. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino







