Pamilya ng namatay sa hazing humihingi ng katarungan


Hindi napigilan ni Mang Luicito Reglos na mapaiyak sa pagkamatay ng anak na si Marvin dahil sa matinding bugbog sa katawan matapos ang initiation rites ng Lambda Rho fraternity sa isang resort sa Antipolo City.

Namatay sa matitinding tama diumano ng paddle sa braso, binti, katawan at likod ang 25 anyos na freshman law student sa San Beda College.

“Mahirap ang buhay namin. Pilit ko lang na pinag-aaral para maging maganda ang buhay ng anak namin,” sabi ni Mang Lucito.

Sa autopsy report ng SOCO, namatay si Reglos sa matinding pinsala dulot ng matigas na bagay na humampas sa kanyang katawan at nakaapekto sa kanyang kidney.

Kinasuhan na ng murder at paglabag sa anti-hazing law ang mga opisyal ng Lambda Rho Beta fraternity at ang mga naarestong sina Erick Castillo at Bodjie Yap.

Pinaghahanap naman ng pulisya sina Jan Darrel Iringan at Omar Suhibil, pawang mga law students din ng San Beda College na posibleng biktima rin diumano ng hazing kasama si Reglos.

Ayon sa pulisya, posibleng sa ibang ospital dinala ang dalawa at hindi sa Unciano Hospital kung saan isinugod si Reglos.

“’Yung dalawa o tatlong kasama nito, tine-trace namin kung mayroong dinala pang iba sa ibang pagamutan. Kasi sa Antipolo wala kaming matagpuan dito eh,” sabi ni Supt. Rodino Elfa ng Antipolo Police.

Dalawang testigo ng resort ang positibong nakakita sa biktimang si Marvin Reglos na may pasa habang nasa resort.

Si Marvin ay may t-shirt na may markang number one na diumano'y unang neophyte sa initiation rites.

“May number siya na one... maaaring may number 2 at number 3,” sabi ni Senior Insp. Ronald Zamora ng Antipolo police.

Wala pang pahayag ang Lambda Rho Beta fraternity sa ngayon.

Kinondena naman ng Malacañang ang panibagong kaso ng hazing.

“We condemn hazing. In all universities, this should be stopped, the law should be enforced and those who are found guilty should be punished,” sabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda.

“That’s a criminal act. We have anti-hazing law, hindi pa rin natututo ang mga fraternities natin. Bakit nangyayari pa rin iyan,” sabi ni Justice Secretary Leila de Lima.

Ayon sa Palasyo, panahon na para palakasin ang anti-hazing law ng bansa. Gus Abelgas, Patrol ng Pilipino

02/22/2012 11:09 PMBookmark and Share