NBI official, iniugnay ang ambush sa Japanese case


Masuwerteng mga daplis lang ng shrapnel ang natamo ni NBI Deputy Director for Technical Services Reynaldo Esmeralda matapos siyang tambangan kagabi.

Alas-7:45, binabaybay ni Esmeralda ang Apacible St. sa Paco, Maynila nang paulanan sila ng bala ng mga nakasakay sa motorsiklo.

“Instinct ko dumapa agad. Nakadapa ako all throughout hanggang nag-escape na ang assassin,” sabi ni Esmeralda.

Agad ding tumakas ang mga suspek na armado ng M-16 armalite.

Walang tama ang driver samantalang natamaan ng mga shrapnel si Esmeralda at ang kapatid na si PO3 Nilo Esmeralda.

Tanging motibong nakikita ni Esmeralda, may kinalaman ito sa Ohara case.

“I testified before the panel na it was Ramon Tulfo who called me up on November 15 asking for my help to locate Ohara. ‘Yun ang pinapalabas nila sa kabila, na I was the one who gave the information to Ramon Tulfo,” sabi ni Esmeralda.

Sa pahayag na binasa ng kanyang abogado, itinanggi ni dating NBI chief Magtanggol Gatdula ang akusasyon.

"This is too much. This is an assault to my person. I have, and will never, insult, threaten, or harm any person just to vindicate myself,” sabi ni Gatdula sa isang pahayag.

Kuwestyunable rin daw ayon kay Atty. Abraham Espejo ang mismong ambush dahil hindi man lang daw naputukan o tinugis ng apat na sasakyang escort ang mga suspek.

At kahit armalite ang ginamit ay wala man lang sa mga target ang natamaan.

"Do you find this believable?" sabi ni Espejo.

Ayon naman kay Esmeralda, hindi "ambush me" ang nangyari.

“Sa hirap na inabot namin, kung gagawa ka ng kuwento na ‘ambush me,’” sabi ni Esmeralda.

Itinanggi rin niya na ipinalinis na niya agad ang crime scene.

“’Yung car na sinakyan ko, ‘yun din ang ginamit ko para dalhin ako sa ospital. Alangan naman iwanan ko doon sa crime scene,” sabi ni Esmeralda.

“You have to look at the overall aspect of the case. Mayroon pa ba siyang ibang nakaaway or any other reasons,” sabi ni Senior Supt. Roberto Po, hepe ng Manila Police District directorial staff.

Pinadagdagan na ni Justice Secretary Leila de Lima ang seguridad ng ilang opisyal at tanggapan na nag-imbestiga sa kaso ni Ohara. Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino
 

02/22/2012 10:54 PMBookmark and Share